Ang pinagmulan ng salitang KATOK
Noong mga panahong hindi pa naiimbento ang salitang katok ang mga bisitang bumibisita sa mga bahay-bahay ay dirediretso lamang sa loob ng bahay na kanilang binibista. Kaya naman laging nagugulat ang mga may-ari ng bahay dahil may bisita pala sila.
Noong mga panahong ding iyon ay may dalawang magkasintahang nagngangalang Bokbok at Kati. Sina Bokbok at Kati ay palaging masaya sa mga bawat araw na dumaraan sa buhay nila. Halos mabibilang lang sa daliri ng isangdaang katao ang mga away nila. Madalas sa kanilang pag-iisa ay ipinapakita nila ang pagmamahal sa bawat isa, sa makatuwid madalas silang maglandian kapag walang nakakakita sa kanila. Kiliti dito, kiliti doon… batok dito batok doon… sampal dito suntok doon… kurot dito kurot doon… at kung ano ano pa na pwedeng maisip ng malikot mong isip.
Anyway… dahil nga madalas silang maglandian madalas din silang magkasakitan, patunay dito ang mga bukol at pasa sa katawan ng bawat isa sa kanila. Madalas pa ngang nauuntog ang ulo nila sa mga pintuan ng bawat bahay na kanilang binibista dahil sa kanilang paglalandian bago pumasok sa loob ng bahay.
BOG! ‘Yan ang madalas na marinig ng mga taong nasa loob ng bahay na kanilang binibisita. Kaya kapag narinig nila ang kakaibang kalampag na yun alam na nilang sina Bokbok at Kati ang nasa pintuan. Dahil dun naging kilala sila sa kanilang baryo. Di naglaon marami ang nainggit sa kanila. Marami ang gumaya sa mga pag-untog nila sa mga pintuan ng bawat bahay na binibisita nila.
Dahil sa mga marami na ang nag-uuntog sa pinto, nahihirapan na silang makilala kung sino ang taong gumagawa ng kakaibang kalampag, dati-rati kasi’y sina Bokbok at Kati lang gumagawa noon. Kaya naman nag-isip sila ng paraan kung pano malulutas ang problema nila. At nakaisip naman sila.
Naisip nilang isigaw muna ang kanilang magpakilala pagkatapos iuntog ang sarili sa pintuan at bago pumasok sa loob ng bahay. Di nagtagal medyo nasasaktan sila dahil masakit ang mauntog. Naisip nilang gumamit pa ng ibang bagay sa para makagawa ng kakaibang kalampag. Gumamit sila ng paa, payong, bato, at kung ano-ano pang bagay na pwedeng makagawa ng kakaibang kalampag.
At dahil sa malaking kaginhawaang idinulot nito sa kanilang baryo, naisip ng mga taga baryo na bigyan ng pangalan ang kakaibang kalampag na ito. Bilang pagkilala kay Bokbok at Kati na nagpasimula ng untugan sa pinto isinunod nila ito sa pangalan ng dalawa. Tinawag nila itong KATOK, pinagsamang KATi at BokbOK.
Sa kasamaang palad dahil sa madalas na pag-untog ng ulo nila dati ay nabaliw sina Bokbok at Kati. Dahil dito naisipan din ng mga taga baryo na tawaging "may katok sa ulo" ang mga taong nababaliw kagaya nina Bokbok at Kati.
Ang kwentong ito ay gawa-gawa lamang. Ano mang pagkakahawig sa tunay na buhay ay pawang pagkakataon lamang.
Ang "Ang pinagmulan ng salitang KATOK" ay hindi mabubuo ng walang tulong mga sumusunod:
Fionixe - para sa libreng internet
Nico - para sa pagbibigay ng konsepto at pambabara sa kuya nya
Poell - dahil basta na lang sumabat sa usapan namin ni Nico, nabara tuloy ng utol nya
Kewlburn - dahil nandun kami sa bahay nila sa Alulod, Indang ng mga sandaling nag-uusap kami ni Nico
Jason - gagawa daw sya ng Digital Film at ito ang una nyang project
aba, pwede pala ito sa mahiwagang baul!!!