Liham ng Magulang

Author: DarkBlak  //  Category: E-mail, Family, Life, Love

Sa pinakamamahal kong anak,

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako lagi at pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng “binge!”, paki-ulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang. Pasensya ka na, anak, matanda na talaga ako.

Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo ‘yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy – amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinatiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas na ako’y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin ako.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa, walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagapalain ka sana … dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina.

Nagmamahal,

Inay / Itay

2 Responses to “Liham ng Magulang”

  1. Father Den Says:

    SAGOT NG ANAK SA LIHAM NG MAGULANG

    Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan.

    ” Habang ako’y bata, unawain n’yo sana ako at pagpasensiyahan.”

    Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan.

    ” Kapag dala ng aking kamusmusan ay makabasag ako ng pinggan o makatapon ng sabaw sa hapag kainan, Huwag n’yo naman sana akong murahin, pilipitin ang tenga at bulyawan. ”

    Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self-pity ako tuwing sisigawan mo ako.

    ” May damdamin din po ang isang bata. Nasisira ang tiwala at respeto ko sa sarili tuwing sisigawan ninyo ako.”

    Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng “binge!” paki-ulit na lang ang sinabi mo o pakisulat na lang.

    ” Kapag hindi ko kayo kaagad narinig at hindi ko naintindihan ang sinasabi n’yo, huwag n’yo naman sana akong sabihan ng “ matigas ang ulo, tarantado , gago at bobo!” pakiulit na lang po ng malumanay o kaya’y ipaliwanag n’yo sa akin ang gusto n’yong gawin ko.”

    Pasensya ka na, anak, matanda na talaga ako.

    ” Pasensiya na po kayo , ‘tay at ‘ nay, bata pa lang po talaga ako. Marami pa akong di alam at di maintindihan sa mundo.”

    Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iy o noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

    ” Kapag nanghihina ang loob ko, pagtiyagaan n’yo sana akong tuluyang makatayo sa sariling paa. Alalayan n’yo po ako sa aking paghakbang at huwag n’yo po akong ikumpara sa inyo nung bata pa kayo. Iba na po ang panahon ko ngayon at marami po akong kinakaharap na bagong sitwasyon na maaaring wala nung panahon ninyo.”

    Pagpasensyahan mo sana kung ako man ay nagiging makulit at paulit ulit na parang sirang plaka. Basta
    pakinggan mo nalang ako.

    ” Pagpasensiyahan nyo na lang po ang aking kakulitan at paulit-ulit na parang cd na nagasgasan. Basta pakinggan nyo na lang po ako.”

    Huwag mo sana akong pagtawanan o pagsawaang pakinggan.

    ” Huwag nyo po sana akong pagtawanan o pagsawaang pakinggan at pagsabihang ” narinig ko na yan. Papunta ka pa lang, pabalik na kami.” ”

    Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit- ulit mo ‘yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang kakulitan mo.

    ” Natatandaan nyo pa ba nung bata rin kayo, baka po mas makulit pa kayo kesa saakin. Siguro po pinagtiyagaan rin ng mga lolo at lola ang kakulitan nyo. Kaya po pag nangungulit ako, huwag nyo naman akong bulyawan ng ” tumahimik ka dyan kundi makikita mo!” ”

    Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.

    ” Pagpasensiyahan n’yo na po kung amoy araw at pawis ako. Masarap po kasi ang maglaro at sige po, maliligo na lang po ako.Ganyan po kasi ang bata, maraming enerhiya sa katawan at masyadong aktibo ang isipan. Pakiusapan n’yo na lang po ako at sana’y wag sigawan ng ” Ang baho baho mo na, maligo ka ngang bata ka!” ”

    Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

    ” Siguro po nung bata pa kayo, pinipilit rin kayong paliguin ng mga lolo at lola dahil nanlimahid din kayo.”

    Pagpasensyahan mo sana kung madalas ako’y masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

    ” Huwag naman po sana kayong madalas magsungit. Mas maganda po yung tumatandang masaya. Sana po, kahit matanda na kayo, huwag niyong kalilimutan ang sigla ng kabataan n’yo. Ayoko pong tumandang gaya n’yo kung lagi kayong masungit. ”

    Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap.

    ” Kapag po may kaunti kayong panahon, magkuwnetuhan naman po tayo. Huwag lang po puro trabaho. Nakakasawa na rin po kasing mga barkada ko lang ang interesadong makinig kung ano ang nangyayari sa buhay ko.”

    Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko.

    ” Alam ko pong busy kayo sa trabaho para buhayin ako, pero nais ko pong malaman niyo na gusto ko pong madama na interesado kayo sa mga kuwento ko.”

    Natatandaan mo anak, noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong teddy bear.

    ” Narinig ko po minsan na yung anak ng kapit bahay natin, si Teddy, nalulong po sa droga dahil wala pong oras ang kanyang magulang na kumustahin man lang siya.”

    At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaan alagaan.

    ” Kapag ako po ay nagkasakit, haplusin niyo naman po ako at wag lang iiwanan kay Yaya at painumin ng gamot. Mas madali daw po kasing makapagpagaling ang haplos ng pagmamahal ng magulang.”

    Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana
    akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

    ” Pagpasensiyahan n’yo na po kung minsan ay maihi o madumi ako sa aking salawal. Huwag n’yo po sana akong papaluin. Tutal po pag malaki na ako, mahihiya na rin po ako. Bata pa lang po kasi ako e.”

    Sinulat ni Fr. Den

  2. części Says:

    nice post and i see lot`s of good comments as well. great job.

Leave a Reply